nanlilisik ang mga matang umaahon
mula sa iyong karagatan. kulay pula
ang mga pag-aalalang bitbit
ng mga dumadaong sa iyong pampang.
pagod na ang inuumagang mga tuhod.
dama ng mga bangka ang mga pagkukulang.
kahit ang gutom, di na kayang itulak
ang mga sisid. dahil mapabundok man,
o mapadagat, hindi na halina
ang lumuliyab sayo, guimaras. hindi na
ang mga kislap-perlas sa’yong dalampasigan
ang tumatali ng kalikutan sa mga paa.
hindi na ang lambig ng mga ibon, o kuliglig
o lukso ng mga isda ang nag-aaya
ng ala-krayolang dapa at manghang banyaga.
wala na ang halimuyak ng araw, ng hangin,
ng mga parang, ng kapusokan ng mga bulaklak
o prutas, hindi na rin aakyat sa puno
ang mga halakhak at pagasa
sa iyong mga kabataan: paano pa
susukatin ang mga siglang matagal
nang kinitil ng libu-libong ektarya
ng iyong mga bukirin at kabundukan? Saan
mo pa kaya ihehele ang iyong mga anak?
sa yong bisig ay mga matang matagal nang nakamasid
kaya sa tanawin mo’y nagdurugo ang ngitngit.
No comments:
Post a Comment