May pakpak man ang
‘Di rin makakarating ang talinghaga.
Hanggang lipad lang sa kalawakan ng isip
Ang diwa, namamayagpag hanggang pampang
Ng ating pagkakaiba. Di nito kayang tawirin
Ang karagatan ng mga kulay, ng mga batas,
Ng mga kaalaman, ng mga paniniwala,
Ng mga hapagkainan, ng mga sinapupunan,
Ng mga panahon, ng mga kasaysayan,
Ng mga pangyayari, ng mga pagtulog
Na matagal nang ginigising sa atin.
May pakpak man ang
‘Di rin makakarating ang talinghaga.
Susubsob lang sa mga tuldok at padamdam
Ang mga pag-aalala, ang mga hinagpis,
Ang mga katuwaan, ang mga pag-iibigan,
Ang naghahabulang mga pawis sa mga pabrika,
Sa mga lansangan, sa mga paaralan
Sa mga karagatan, sa mga kabundukan
Sa mga sakahan o piskarya, sa mga tulay
Na matagal nang tinatayo ang tatag sa atin.
May pakpak man ang
Di rin makakarating ang talinghaga.
Ibubulsa lang ito ng mga dekalibreng makata
At iguguhit sa ala-ala. Di nito naibubulong
Sa hampas ng ulan sa bubong ng ating paglaya
O sa hampas ng alon sa mga dalampasigan ng ating pagkadapa
O sa hampas ng hangin sa mga dahong
Matagal nang pinipitas ang sigla sa atin.
May pakpak man ang
Di rin makakarating ang talinghaga.
‘Di ito makakahabol sa ultra, o sa Hacienda Luisita,
O sa mga magsasaging, sa mga maggugulay
Sa mga magnyo-nyog, sa mga magpipinya
Na matagal nang ninanakawan ng katas sa atin.
Di rin makakarating ang talinghaga.
No comments:
Post a Comment