(para sa isang kaibigang nakalimutang iuwi ang pinakisuyong sinigang na bangus sa bahay)
Maglilimang buwan na ang paninirahan ng Amerika
Sa aking panlasa. Pagdating nila noong Agusto 31,
Bilis ang naghanda ng cracler oats. ‘Di tuloy makahabol
Sa oras ang mahiyaing amoy ng tuyo, kamatis, kanin,
Tanging kakampi ng milyon-milyong sigla
Ng mga manggagawa, magsasasaka at mangingisda sa akin.
Kaya sa tuwing kakailanganin nila ang sipag, sila na nagpapakasasa
ng lamig at kalayaan, naaalala lagi ang mga iniwang amoy
Na karugtong ng sikmura pero nilulunok pa rin
Ang kinabukasang gawa sa hamburger at cereal.
Ngunit, di gaya ng mga kampanang talaorasan
Sa tiyan na nakagawiang palampasin ng tulog,
Tubig o tulala noon sa bayang iniwan,
May libreng ngiti sa pakete ng ham. Nakakapahid din naman
Ng Kalinga sa lalamunan. Subalit, yaong mga sinaing ng paggawa,
Lamig ang tagapagpaalala: Makahigop man lang sana
Ng mainit na pagpupuyat ng mga mangingisda sa laot,
Matikman man lang sana ang mga tiyaga at pagibig
Na binubungkal sa bukid, masulyapan man lang sana
Ang mga nawawalang mukha at hininga sa pabrika.
Maalaala man lang sana ang mga buntong hininga sa kusinang
Pinagtagpitagpi ng mga pangamba tatlong beses isang araw.
Sa pagkain ko man lang sana naiambag ang pagdaloy
Ng kakarampot na economiya sa akin
Kabit-kabit na buhay sa akin
Kabit-kabit na buhay natin.
No comments:
Post a Comment